Patay ang tauhan ng isang sanglaan sa Baguio City noong Miyerkoles matapos siyang igapos at gilitan ng leeg ng isang lalaki.

Kinilala ang biktima sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes na si Lindsay Vallejos Valdez.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, dakong alas nuebe ng umaga, pumasok ang isang lalaki sa pawnshop na nakakubli sa payong upang hindi makunan ng CCTV ang mukha.

Lumabas ang lalaki makalipas ang ilang minuto. Kasunod nito, nakita na lamang ang biktima na patay na.

Blangko pa ang mga awtoridad sa posibleng motibo ng krimen dahil sa wala naman umanong tinangay na pera at gamit sa loob ng pawnshop.

Pero ang cellphone ng biktima ay nawawala, ayon sa mga pulis. —LBG, GMA News