Lubog pa rin sa lampas-tao na baha ang malaking bahagi ng bayan ng Mangatarem sa lalawigan ng Pangasinan, ilang araw matapos ang malalakas na ulang dala ng pinaigting na Habagat.

Bangka na lamang ang nakapapasok sa mga sitio ng Barangay Bunlalacao at Bogtong Silag sa naturang bayan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, lampas-tao ang lalim ng tubig-baha na dahilan ng paglikas ng mahigit 700 na mga residente sa lugar, at ngayon ay nananatili sa evacuation centers.

Sa gitna ng mga pagbaha, patuloy pa rin ang pagpapakawala ng tubig sa Ambuklao at Binga Dams.

Ipinag-utos na ang forced evacuation sa mga apektadong lugar, lalao na ang mga nakatira sa malapit sa Agno River na siyang dinadaluyan ng tubig mula sa mga dam. —LBG, GMA News