Patay ang isang murder suspect matapos siyang pagbabarilin sa Badoc, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Rogelio Rinien, isang karpintero.

Lumabas sa imbestigasyon na nagmomotorsiklo si Rinien papunta sa trabaho nang sundan siya ng na salarin na sakay ng kotse na walang plaka, at pinagbabaril siya.

Dead on arrival si Rinien sa ospital.

Ayon sa mga pulis, si Rinien ay suspek sa pagpatay sa presidente ng isang kooperatiba siyam na taon na ang nakararaan.

Kinokonsidera ito ng mga pulis na posibleng motibo sa pagpatay sa kanya. —Jamil Santos/LBG, GMA News