Pinagbabaril at napatay ang isa umanong tulak ng droga habang nasa gitna ng inuman sa San Jose de Monte City, Bulacan.

Sa ulat ni Rod Vega sa "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Romulo Temblor.

Nakikipag-inuman umano sa tabing-kalsada si Temblor kasama ang kanyang mga kabarkada nang biglang may dumating na van.

Agad daw na bumaba sa van ang dalawang armadong lalaki, pinatabi ang mga kainuman ni Temblor at saka pinagbabaril ito.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, napaulat umanong tulak ng shabu ang biktima, kaya minsan na nilang kinausap ito at pinagsabihan.

Ngunit, pahayag naman ng anak na biktima, wala umanong kaaway ang kanyang ama pero aminado itong dati nang nakulong dahil sa paggamit ng shabu.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen. —LBG, GMA News