Tatlong hinihinalang tulak ng droga ang napatay sa magkahiwalay na operasyon kontra-droga sa Cavite, ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Biyernes.



Sa buy-bust operation sa Barangay Malagasang sa Imus, nanlaban umano at napatay sina Joseph Torres at Glenn Ladsig.

Sa surveillance video ng mga pulis, madidinig ang mga putok ng baril na sinasabing galing sa mga suspek nang habulin sila ng mga awtoridad matapos ang buy-bust operation.

Ayon kay Police Superintendent Jose Junar Alamo, hepe ng Imus police, "(Sa) aming impormasyon, diyan talagang lalaban 'yan sa kapulisan, talagang talamak po ang kanilang pagbebenta ng droga dito sa Imus."

Nasawi rin sa hiwalay na buy-bust operation sa Barangay Buhay na Tubig si Roberto Advincula na isa rin umano'y drug suspect.

Nauwi daw sa barilan ang operasyon matapos manlaban ni Advincula nang arestuhin siya ng mga operatiba.

Naaresto naman naman sa operasyong kontra-droga si Jesus Maglonzo alyas Mokong na umano'y kilalang tulak sa Baclaran.

Nakakuha raw mula sa kanya ang 600 grams ng shabu.

"Di siya mismo ang huma-handle ng droga at pera, 'yung mga bata ang courier niya," sabi ni Police Superintendent William Segun, provincial director ng Cavite police.-- Margaret Claire Layug/ FRJ, GMA News