Patay ang itinuturing na utak sa jailbreak sa Bacoor City nang masukol at manlaban sa mga pulis na tumutugis sa kanya.

Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Sabado, kinilala ang napatay na pugante na sin Michael Salac.

Ayon kay Bacoor Police chief Superintendent Vicente Cabatingan, aarestuhin na sana ng mga pulis si Salac nang matuntun ang pinagtaguan nito matapos makapuga sa Bacoor City Custodial Center (BCCC) noong Hulyo, ngunit nanlaban umano ito.

Matatandaang 20 mga preso ang pumuga sa BCCC noong ika-27 ng Hulyo. Naibalik na sa kulungan ang 13 sa kanila at napatay si Salac nitong Sabado.

Anim na pugante na lamang umano ang pinaghahanap sa ngayon ng mga pulis-Cavite. —LBG, GMA News