Patay ang isang pahinante habang malubha ang kalagayan ng driver at ang isa pang pahinante ng isang fish delivery van na sumalpok sa barandilya ng isang tulay sa Maharlika Highway sa lalawigan ng Camarines Norte.

Nangyari ang insidente sa Barangay Mataganki sa bayan ng Labo, dakong alas-onse nitong Linggo ng umaga.

Photo courtesy: Zaldy Garrido

 

Patungo sana sa Maynila ang delivery van na kargado ng isda. At sa tindi ng pagsalpok sa baradilya ay halos mahati na ang van. Nagkahiwa-hiwalay rin ang mga parte nito.

Sa inisyal na imbestigasyon, sobrang bilis umano ng takbo ng van, at nang sumalpok ito sa barandilya, tumilapon ang isang pahinante at nahulog sa 150 talampakan na lalim ng tulay.

Nagkabali-bali ang buto ng nahulog na pahenante, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa imbestigasyon ng Labo Police, nawalan ng preno ang delivery van at sa sobrang tulin ng takbo nito ay hindi na na-control ng driver ang manibela at tuluyang sumalpok sa barandilya ng tulay.

Tinagurian na ring “killer bridge” ang tulay dahil sa dami ng aksidente na nangyari dito. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News