Nasawi ang isang tricycle driver matapos siyang sumalpok at pumailalim pa sa nakasalubong na ambulansiyang may hinahatid na pasyente sa Binmaley, Pangasinan. Ang mag-ama niyang pasahero, sugatan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa  GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa gitna ng national highway sa Sitio Duyao ang matinding pinsalang inabot ng tricycle matapos na bumangga sa rescue ambulance ng Lingayen.

"Medyo mabilis both sila, 'yung tricycle parang nag-overtake kasi naka-encroach siya sa lane sa kabilang lane, parating naman 'tong rescue, mabilis din," sabi ni P/Supt. Mona Liza Asis, chief, Binmaley Police.

Kinilala ang tricycle driver na si Mariano Calderon, samantalang sugatan ang mag-ina niyang pasahero na sina Crispin Garcia at 6-anyos na anak nitong babae.

Wala namang tinamong mga sugat ang rescue ambulance driver na si Dante Pecson at mga sakay nito.

Sinabi ng pulisya na papunta ang ambulansya sa isang ospital sa Dagupan City upang maghatid ng pasyente.

Nagkasunduan na ang pamilya ng nasawing si Calderon at ang driver na si Pecson kaya pinalaya na siya ng pulisya.

"Kailangang maging maingat. Pare-pareho, back to basic sa driving, maging maingat sa daan. Kasi kung titignan mo 'yung daan, hindi naman siya kurbada, hindi naman siya pababa, dire-diretso lang," sabi pa ni Asis.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News