Arestado ang isang 63-anyos na mekaniko sa Pangasinan matapos umanong itago sa kaniyang bahay at pagsamantalahan ang isang babae na 11-taong-gulang. Ang biktima, positibong nagalaw batay sa resulta ng medico-legal examination.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nag-alala ang mga magulang ng biktima nang hindi ito nakauwi ng kanilang bahay sa Manaoag, Pangasinan noong Lunes.

Kinabukasan, natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng bata sa bahay ng matandang mekaniko.

Sumbong ng bata sa mga awtoridad, itinago siya ng mekaniko, pinapanood ng mga malalaswang video at pinagsamantalahan.

Bagaman tumangging magsalita sa harap ng camera, iginiit ng suspek na kusang nagtungo sa bahay niya ang bata matapos mag-computer sa katabing shop.

Hindi rin daw niya pinagsamantalahan ang bata pero lumitaw sa medico-legal examination sa biktima na positibong nagalaw ang biktima.

Ayon sa pulisya, madalas na napapadaan ang biktima sa bahay ng suspek at maaaring inimbitahan ng matanda ang bata at binigyan ng kung anu-ano para pumasok.

Desidido naman ang mga magulang ng biktima na sampahan ng kaso ang suspek.-- FRJ, GMA News