Patay ang isang umano'y drug suspect nang malaban sa mga pulis sa Cavite, nahuli naman ang kasama nito, at isa sa 16 sachets ng ebidensyang "shabu" tinuka at nalunok umano ng manok, ayon sa mga awtoridad.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, nagkasa ng anti-illegal drug operation ang mga pulis sa General Trias, Cavite at target nila ang tulak umano na kinilalang si Masedin Ayob.

Ngunit, nanlaban daw ang suspek sa mga pulis at napatay. Nadakip naman ang kasama niyang si Samad Unda Bacaraman na umano'y sangkot din sa iba't ibang krimen.

Nakuha mula sa mga suspek ang 15 pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P200,000.

Ayon sa mga pulis, may isa pang pakete ang hindi nakuha ng mga awtoridad dahil tinuka at nilunok ito ng manok na nakatali malapit sa crime scene.

Wala pang pahayag ang nahuling suspek tungkol sa insidente. —LBG, GMA News