Patay sa pananambang ang isang preso sa Batangas na dadalo sana sa pagdinig ng korte kaugnay sa kinakaharap niyang kaso tungkol sa droga.

Sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang pamamaril  sa inmate na si Elvis Areglo sa Batangas City habang papunta sa korte.

Nasawi ang biktima pero hindi naman nadamay ang iba pang bilanggo na kasama niya sa sasakyan at pati na ang guwardiya.

Patuloy pa ang imbestigasyon at tinutugis na ng pulisya ang mga suspek.

Sa Surallah, South Cotabato, patay din sa ambush si Antonio David ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na kaniyang ikinasawi.

Sa Ligao, Albay, arestado ang umano'y big time pusher na si Cyril Celis sa isinagawang sa buy-bust operation ng pulisya.

Nakuha kay Celis ang ilang pakete ng pinaghihinalaang shabu na aabot daw ang halaga sa P50,000. Kasama rin ginamit na marked money at drug paraphernalia.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.-- FRJ, GMA News