Umakyat na sa 12 katao na ang nasawi sa pagguho ng lupa na tumabon sa hindi bababa sa 30 kabahayan sa Naga City, Cebu.

“Twelve po ang fatalities. Eight ang rescued pero may mga injuries,” sabi ni Gary Cabotaje, Public Information Officer ng Incident Crisis Management ng Naga City, sa panayam ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes.

Batay sa impormasyon mula sa National Disaster Risk and Reduction Management Council, nasa 50 katao pa ang nawawala sa pagtabon ng lupa sa may 30 kabahayan na nasa ibaba ng bundok.

“It's possible na tataas pa ang number of missing persons kasi 'yung lower portion po ng affected area, estimated po na may more than 60 houses,” sabi pa ni Cabotaje.

Ang malakas na pag-ulan nitong mga nagdaang araw ang pinaniniwalaang isa sa mga dahilan ng pagguho ng lupa sa Barangay Tina-an.

Mayroon din umanong quarry site sa itaas ng bundok.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Palasyo sa mga pamilya ng mga biktima at nangakong susuriing mabuti ang mga dapat gawin para maiwasang maulit ang insidente.

"Nakikiramay po kami doon sa mga naging biktima ng landslide sa Naga at asahan niyo po na lahat naman po ay gagawin ng gobyerno para maibsan 'yung dalamhati na nadarama ng mga biktima," sabi  ni presidential spokesperson Harry Roque.

"Titignan po natin kung papaano natin maiiwasan ang mga ganitong pangyayari sa mga darating pang mga panahon," dagdag niya.

Nagiging maingat umano ang isinasagawang rescue operation dahil pinangangambahang magkaroon muli ng pagguho.

Inilikas na ang mga residenteng nakatira malapit sa paanan ng bundok. 

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, dati na rin daw nakitaan ng bitak ang lugar.

Sa isang ulat ng Agence France-Presse, sinabi civil defense spokesman Julius Regner na mahigit 100 rescuers ang nasa lugar at gumagamit ng mga heavy equipment para hanapin ang mga natabunan.

READ: 66 dead, 66 still missing in CAR due to Ompong —Tolentino

Nangyari ang trahediya sa Cebu habang patuloy ang paghahanap ng mga rescuer sa mga natabunan ng landslide naman sa Itogon, Benguet.— FRJ, GMA News