Patay ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa San Jacinto, Pangasinan.



Sa ulat ni Alfie Tulagan para sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, kinilala ang biktima  na si Edward Ronquillo, chairman ng Barangay Bolo.

Nagtamo ang punong barangay ng hindi bababa sa pitong tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa pulisya, galing sa munisipyo ang biktima at pauwi na sakay ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin sa Barangay Capoay.

Posible umanong pinag-aralan ng mga salarin ang galaw ni Ronquillo.

"Mayroon kaming nakikita na may kinalaman sa kaniyang pagiging kapitan o mayroon din kaming tinitingnan na personal na anggulo. Mayroon po 'yung mga lumalabas na ganu'n na ano... pero we are still validating," sabi ni Police Senior Inspector Mark Ryan Taminaya, officer-in-charge ng San Jacinto police station.

Patuloy pang nangangalap ng ebidensiya ang kapulisan upang mas mapabilis ang paghain ng kaso laban sa salarin.

"Hopefully, within this day, mai-file 'yung kaso. Dahil identified naman natin 'yung gunman so ngayong araw, kinukumpleto po natin lahat ng ebidensya," sabi ni Taminaya.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Richard Ronquillo, wala silang alam na kaaway o banta sa buhay ng biktima.

"Wala naman siyang kaaway or ano dito sa barangay niya dahil sa three  terms niya. Hindi naman po siya mag-three terms kung di maganda 'yung patakaran niya," giit nito.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News