Hindi na natuloy ang kasalan ng isang magkasintahan matapos na masawi ang lalaki sa landslide sa Itogon, Benguet.  Ang isang babae naman, nagdadalamhati matapos nawalan ng kapatid.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "QRT" nitong Huwebes, sinabing sinasariwa na lamang ni Reggie Ann Wakit ang mga alaala ng namayapang nobyo na si Rogelio.

"Masakit na 'yun po 'yung nangyari. Nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon dahil nakilala ko siya. Napakabait niya. Hindi niya pinapangako 'yung kayamanan, 'yung mai-provide niya lahat, basta ang importante po 'yung pagmamahal niya sa akin," sabi ni Reggie.

Bukod kay Rogelio, nasawi rin sa landslide sa Barangay Loacan ang walong rescuer na tinangkang sagipin ang natabunang apat na miyembro ng isang pamilya.

Samantala sa Barangay Ucab, nahukay naman ang isang aso na katabi ang isang biktima, na posibleng hindi raw iniwan ng amo sa gitna ng landslide, ayon sa mga rescuer.

Napasugod naman si Gina Gacayan sa Itogon, Benguet, nang mabalitaang kasama sa mga naging biktima ng pagguho ang kapatid niyang si Johnny Huclab.

"Masakit sobra. Kasi nawalan ka na nga ng magulang, pati mga kapatid mo mawawala din," sabi ni Gina.

Ang iba naman ay naghihintay pa ng mga balita.

"Mahirap kasing maghintay, gusto namin mahanap agad kung maaari lang kasi 'yung mga katawan nila, hindi namin ma-identify" saad ni Regina Guinyan, asawa ng nawawalang si Romy.

"Grabe po, ang sakit sa damdamin po," sabi naman ni Donna Jean Tumapang, nawawala pa ang kapatid.

Ngunit tuloy-tuloy pa rin ang patagong transaksyon ng ginto sa kabila ng nangyaring trahedya, tulad na lamang sa Baguio City.

Sinabing nangyayari pa rin ang pagbebenta ng ginto dahil marami ang mangangailangan ng pera sa pangamba na mawalan ng kabuhayan sa pagpapasara ng small-scale mining.

Posible umanong nakuha ang mga ginto noong hindi pa ipinagbabawal ang pagmimina.

Lumalabas sa datos ng Mines and Geosciences Bureau na 99.65% o halos buong produksyon ng mineral ng Cordillera Administrative Region ay sa Benguet nagmula.

Noong 2017, anim na kilong ginto na nagkakahalaga ng P5.765 milyon ang kabuuang namina ng small-scale-miners sa Benguet.

Dahil ipinagbabawal ng DENR ang small-scale mining sa buong CAR, hiniling ng isa sa mga minero na namatayan sa landslide na ituloy ang pagmimina kaysa gumawa sila ng masama.

"Ano ba ang mas maganda, 'yung nakikita namin 'yung pamilya namin na namamatay dahil sa naghahanap-buhay, o 'yung nakikita niyo kami diyan napapatay na lang dahil gumagawa kami ng masasama," sabi ni David Damawol, namatayan sa landslide.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News