Dalawang babae na edad 16 ang hinihinalang pinagsamantalahan ng limang lalaki sa isang lodging house sa Cotabato City.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa isang beach outing ang mga biktima kasama ang mga suspek.

Pagsapit ng gabi nitong Linggo, nag-check-in umano ang grupo sa dalawang kuwarto sa lodging house.

Ayon sa guwardiya ng establisimyento, naalarma na siya nang napansin niya na buhat ng grupo ang isang babae nang lumabas ng sasakyan.

"Yung pagbaba nila sa sasakyan, nakita ko na buhat niya yung babaeng nakawhite...doon ako na-alarm," anang guwardiya.

Tinanong daw nila ang grupo tungkol sa buhat na babae at sinagot daw siya ng mga ito na magpapahinga lang dahil lasing ang kanilang kasama.

Pero kinalaunan, biglang lumabas sa kuwarto ang isa sa mga babae na pasuray-suray na tumatakbo at tila humihingi ng tulong.

"Noong magsisigaw yung babae, nagsibat na 'yung tatlong lalaki sakay ng Estrada na agad-agad nag-alis na sila," sabi ng guwardiya.

Napadaan naman umano ang mga suspek sa checkpoint ng mga tanod at sinabihan na pumunta sa police station dahil sa nangyaring komosyon.

Nagsabi naman umano ang mga suspek na pupunta sila sa police station pero ang sasakyan na nila ang kanilang gagamitin.

Pero sa halip, tumakas na umano ang mga suspek.

Maging ang dalawa pang suspek, hindi na rin nakita.

Dinala naman sa ospital ang dalawang dalagita, habang patuloy na pinaghahanap ang limang suspek. --Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News