Nakagapos ng alambre at nagsisimula nang maagnas nang matagpuan ang bangkay ng isang babae na anim na taong gulang sa mahalamang lugar sa Davao City. Ang biktima na isang linggo nang nawawala, hinihinalang ginahasa pa.



Sa ulat ni R-Gil Relator sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Christine Angel Laquinario, na isang linggo nang nawawala.

Nakita ang kaniyang bangkay sa mahalamang lugar na malapit sa ilog ng Purok 9, Barangay Matina Pangi. Nakagapos ang kaniyang mga kamay, may bakas ng sunod sa kaniyang ulo at natatakpan ng mga bunot o balat ng niyog.

Pinaniniwalaang pinatay sa pamamagitan ng sakal ang biktima.

Inaalam din ng pulisya kung ginahasa ang bata.

"During 6 days period before the discovery of the child siguro napag-isip-isipan niya [suspeck] na merong ebidensya na may namata, nag-attempt pa siyang sunugin yung bata," sabi ni Police Senior Superintendent Alexander Tagum, hepe ng Davao City Police.

Nadakip naman ang suspek sa krimen na si Rico Jay Labao, kapitbahay ng biktima, at nagturo pa sa kinaroroon ng biktima.

May nakita ang mga pulis na alambre sa bahay ng suspek na katulad ng ginamit na pantali sa biktima.

Pabago-bago ang pahayag ng suspek sa pagkakasangkot sa krimen pero humingi siya ng tawad sa ina ng biktima.

Napag-alaman  din sa 16-anyos na kapatid ng biktima na siya man at iba pa niyang kaibigang babae ay binabastos na rin umano ng suspek at sinasabihan ng "masarap."

Hustisya ang hiling ng ina ng biktima, habang hinihintay pa ang DNA at autopsy report kung positibo bang ginahasa ang biktima.-- FRJ, GMA News