Patay ang umano'y kanang kamay ng drug suspek na si Kerwin Espinosa, sa pamamaril sa Ormoc City.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Joel Aberilla na pinagbabaril ng mga salaring lulan ng isang kotseng walang plaka.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, sinabing nakipag-inuman umano si Joel sa tapat ng kaniyang tindahan sa Ormoc City nang biglang dumating ang isang kotse at saka siya pinagbabaril ng mga lulan nito.

Sa una, hindi tinamaan ang biktima. Nakatabo pa ito.

Nngunit, hinabol pa umano si Joel, pinaputukan uli hanggang sa mamatay.

Agad na tumakas ang mga salarin, ayon sa mga nakasaksi sa insidente.

Pahayag ng mga pulis, si Aberilla ay kanang kamay umano ng umaming drug dealer na si Kerwin Espinosa ng Albuera, Leyte.

Iniimbestigahan na kung may kinalaman ang droga sa krimen. —LBG, GMA News