Dalawang lola ang nasawi nang masagasaan ng 10-wheeler truck sa Misamis Oriental. Ang mga biktima, hindi raw gumamit ng pedestrian lane sa pagtawid bagkos ay dumaan sa harapan nang nakatigil na truck pero biglang umandar.

Sa ulat ni John Paul Seniel ng Regional TV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Lucia Noynay, 61-anyos, at Dolores Daron, 74-anyos.

Nakadakip naman at nakadetine sa pulisya ang driver ng truck na si Juve Rodina.

Napag-alaman na magpapamasahe lang sana ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nakahinto ang nakaaksidenteng truck at ilan pang sasakyan dahil may mga tumatawid sa pedestrian lane sa isang kalsada sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Pero ang dalawang biktima, hindi umano gumamit ng pedestrian lane at sa halip ay tumawid sa harap ng truck.

Nang makakuha umano ng senyas ang driver na puwede nang umandar, umusad siya nang hindi napansin na nasa harapan ng kaniyang truck ang dalawang lola hanggang sa masagasaan niya ang mga biktima.

"Mahina lang ang takbo niya [driver] kasi may pedestrian lane sa unahan. Sa laki ng sasakyan niya, hindi niya nakita na may dalawa palang tumawid sa harapan niya," sabi ni Police Senior Inspector Allan Oniana, hepe Tagoloan Police.

"Pagsinyas sa traffic aid na go na hindi ko namalayan na ang dalawang matanda pala na galing sa may terminal ng motor ay nasa harapan ng sasakyan ko," ayon kay Rodina.

Isugod sa ospital ang mga biktima pero binawian din ng buhay.

Iniimbestigahan naman ng pulisya ang impormasyong may nakakita umano sa driver ng truck na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho na posibleng dahilan kaya hindi niya nakita ang dalawang biktima.

Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide.-- FRJ, GMA News