Arestado ang isang 20-anyos na lalaki sa El Salvador City, Misamis Oriental matapos siyang akusahang nanghalay sa isang 13-anyos na dalagita. Sabi ng ina ng biktima, natuklasan niya ang sinapit ng anak nang mapansin ang dugo sa underwear nito.

Sa ulat ni John Paul Seniel ng Regional TV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing bukod sa reklamong rape, nahulihan din umano ng droga ang suspek na si Jessie Cris Jabagat.

Ayon sa pulisya, sinabi ng ina na napansin niya na may dugo ang underwear ng kaniyang anak nang umuwi ito.

Nang tanungin umano ng ina ng biktima, umamin ito na ginalaw siya ng suspek.

Ngunit depensa ng suspek, magkarelasyon umano sila ng biktima at hindi niya pinilit ang dalagita na may mangyari sa kanila.

"Napagkasunduan namin na gawin iyon. Kasi kung pinilit ko sana may mga pasa sa katawan niya," giit ng suspek.

Itinanggi rin ni Jabagat na sa kaniya ang droga at sinabing inilagay lang umano ito sa kaniya.

Pero kahit totoo ang sinasabi ng suspek na nagkasundo sila ng dalagita, mahaharap pa rin siya sa kasong statutory rape dahil menor de edad ang biktima.

Napag-alaman din ng pulisya na hindi siya residente sa lugar at nagbabakasyon lang sa bahay ng kaniyang tiyahin. -- FRJ, GMA News