Sa kulungan ang bagsak ng 23-anyos na si alyas "Claire" matapos umanong mag-amok sa harap ng desk officer sa loob mismo ng Talomo Police Station sa Davao City.

Ayon sa ulat ni R-Gil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, pati ang mga gamit sa loob ng istasyon, pinuntirya ni Claire.

Tinapon ni Claire ang computer monitor ng desk officer, habang ang electric fan na ginagamit sa custodial facility ng istasyon, inihampas ng suspek sa sahig. Nasuntok pa raw nito ang isang pulis.

Dinala sa police station si Claire, matapos i-report ng mga kaibigang kaiuman niya dahil daw sa pananakal.

"Sinakal niya 'yung mga kainuman niya, tapos nag-attempt siyang tumalon mula sa building kaya pinuntahan ng mga pulis. Pagdating niya dito sinira niya ang monitor at electric fan natin," ayon kay Police Chief Inspector Ronald Lao, hepe ng Sta. Ana Police.

Posibleng maharap sa reklamong physical injuries at malicious mischief ang babae.

Hindi na ito nagbigay ng pahayag. — Jamil Santos/JST, GMA News