May lihim daw na pagtingin ang menor de edad na suspek sa 23-anyos na gurong pinagsasaksak nitong nakaraang linggo sa Pio Duran, Albay.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa State of the Nation with Jessica Soho, maaari din na tinangkang gahasain ang biktimang si Mylene Veras Durante ng 17-anyos na Grade 12  student.

"Nakitaan namin siya ng mga kalmot, so yun po ang nagbigay sa amin ng lead," sabi ni Pio Duran chief of police Chief Inspector Joseph Abel Jarabejo.

"May nakita ako sa kuko na ano... parang blood," dagdag pa niya.

Pinagsasaksak ang biktima sa loob ng principal's office kung saan siya nanunuluyan nang sandaling iyon.

Walang bahay sa Pio Duran si Durante na taga Polangui. May 40 kilometro ang layo ng Polangui sa Oringon Elementary School kung saan siya nagtuturo.

"Hinintay po siguro na makatulog muna. Nung nakatulog na, dun na po gumawa ng karumal-dumal na krimen itong suspek," sabi na Jarabejo.

Nakakulong na ang suspek na nakasuhan na rin ng murder at frustrated murder.

Sinaksak din ng suspek ang dalawang Grade Six pupils na nakarinig sa sigaw ng biktima at nagtangkang tumulong. —NB/FRJ/KG, GMA News