Patay ang isang negosyante sa Daet, Camarines Sur matapos siyang barilin nang malapitan sa likod ng ulo. Ang biktima, saglit pang kinausap ng mga salarin.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, makikita sa CCTV ang pagdating ng dalawang salarin na nakasuot nang helmet sa auto supply shop ng biktimang si Adonis Fuentes sa Barangay Lag-on sa Daet, Camarines Norte.

Sagpit pa umanong nakipag-usap ang dalawang lalaki kay Fuentes, na nasa loob pa noon ng shop.

Pero nang lumabas si Fuentes at tiningnan ang kaniyang cellphone, lumapit sa kaniya ang isang salarin mula sa likuran at binaril siya sa ulo.

Muli pang pinaputukan ng salarin ang biktima nang bumagsak na at saka tumakas sakay ng motorsiklo.

Kaagad na nasawi ang biktima sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at tiyan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulis para makilala ang mga salarin at kung anong motibo nila sa krimen.

Nananawagan ang mga awtoridad sa sino mang may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga salarin para madakip.-- FRJ, GMA News