Patay ang sinasabing lider ng isang robbery gang matapos maka-engkuwentro ang mga pulis na rumesponde sa nangyaring holdapan sa isang gasolinahan sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ni John Consulta nitong Martes sa "24 Oras," kinilala ang nasawing suspek na si Alvin Ramos Masupil, na lider umano ng isang robbery holdup group na nasa likod ng iba pang insidente ng panloloob sa lalawigan.

"Nang mahuli sa illegal drugs at nakulong dito, isa po siya (Masupil) sa nakatakas. Siya ay may tatlong kaso ng robbery, isang theft at isang Section 5 at 11 ng RA 9165," sabi ni Police Chief Inspector Melvin Cabataña, Deputy Chief ng Lipa police.

Sa kuha ng CCTV ng gasolinahan, makikitang nagkunwaring magpapa-gas ang suspek at kasama nito habang sakay ng motorsiklo. Ilang saglit lang, bumaba na armadong angkas ng motorsiklo at pinasok ang cashier.

Bukod sa pera, tinangay din ng mga suspek ang lahat ng cellphone ng mga empleyado. Nagpaputok pa raw ng baril ang salarin para takutin ang mga biktima.

Ayon naman kay Police Senior Superintendent Edwin Quilates, Provincial Director ng Batangas Police, lumabas sa kanilang pag-aaral na ang grupo ni Masupil ang nanloloob sa ilan pang mga establisyemento sa Batangas.

Parehong grupo raw ang na-hulicam na nangholdap sa isang lomihan at isa pang restaurant sa Lipa noong nakaraang Linggo.

Sila rin daw ang nakunan ng CCTV na nilooban ang isang unibersidad sa Batangas kung saan aabot umano sa kalahating milyung piso ang natangay ng mga suspek.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang iba pang mga kasamahan ni Masupil.

"Hopefully, matigil na 'yung sunud-sunod na break-in robbery sa Lipa," dagdag ni Cabataña.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News