Matinding trahediya ang sinapit ng isang pamilya na may-ari ng isang computer shop sa Ramon, Isabela. Maliban kasi sa nilooban na sila, hinalay pa ang isang biktima at pinatay ang kaniyang kuya na sasaklolo sa kaniya.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabi ng pulisya na dalawang armadong salarin ang pumasok sa computer shop ng biktima nagdeklara ng holdap.

Matapos na makuha ang mga pakay, ikinulong ng mga salarin sa banyo ang pamilya pero inilabas ang babaeng biktima at ginahasa.

Tinangka naman ng kaniyang kuya na saklolohan ang biktima pero dalawang ulit siyang binaril ng salarin.

Hindi na umabot ng buhay ang biktimang binaril, habang nananatili sa ospital ang kapatid niyang inabuso.

Patuloy na tinutugis ang mga salarin na nakatakas matapos gawin ang karumal-dumal na krimen. — FRJ, GMA News