Sa tricycle na inabutan ng panganganak ang isang buntis na papunta sana sa isang lying-in center sa General Santos City.

Nagpasalamat naman ang babae sa dalawang pulis na rumesponde at nagsugod sa kaniya sa pagamutan.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Balitanghali," sinabing maghahatinggabi ng Lunes nang malagay sa alanganin si Phoebelyn Villasenta habang nasa biyahe.

Hindi na umabot pa ng center si Villasenta, at nanganak na siya sa loob mismo ngsasakyan.

Sa kabutihang palad, saktong may mga rumorondang pulis kaya agad nakahingi ng saklolo ang mga sakay ng tricycle.

Isinakay ang nanay at bagong silang na sanggol sa likuran ng mobile at dinala sa lying-in center.

Ligtas na ang lagay ng bata.

Nagpasalamat si Villasenta sa dalawang pulis na nagbigay ng tulong sa kaniya.

"Ang trabaho talaga ng pulis is to serve and protect, kahit anong tulong gagawin talaga namin," sabi ni PO1 Jake Fantilano, pulis na tumulong. —Jamil Santos/NB, GMA News