Apat katao ang nasawi at walong iba pa ang nasugatan nang suyurin ng isang trak na may kargang graba ang 11 pang sasakyan sa Daraga, Albay.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa national highway sa bahagi ng Barangay Busay sa Daraga.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng preno ang trak na may kargang graba at nabangga nito ang dalawa pang truck, dalawang tricycle, apat na motorsiklo, dalawang pampasaherong jeep, at isang suv.

Sa hiwalay na ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras," sinabing kabilang sa mga nasawi ang isang babae na naipit sa ilalim ng jeep.

Pinagtulungan ng mga mamamayan na makuha ang kaniyang katawan sa ilalim ng jeep pero binawian din siya ng buhay sa ospital.

Patuloy pa ang iniimbestigahan ng mga awtoridad sa nangyaring insidente.-- FRJ, GMA News