Isang lalaki na nagpanggap na babae sa social media at nagpapadala ng mga hubad na larawan na kunwaring siya ang inaresto sa entrapment operation ng mga awtoridad matapos siyang ireklamo ng "sextortion" ng ka-chat niyang 15-anyos na binatilyo sa Laguna.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing kaagad na umaksyon ang mga awtoridad matapos na magsumbong ang biktimang Grade 10 student sa Pila, Laguna, kaugnay sa pagbabanta umano ng suspek na si Marvin Francisco, na ipakakalat ang mga hubad na larawan ng binatilyo kapag hindi ito pumayag na makipagtalik sa kaniya.

Bago nito, sinabi ng biktima na nakatanggap muna siya ng friend request sa social media mula sa nagpakilalang babae na si "Shane."

Madalas umanong magpadala ng mga hubad na larawan si "Shane" hanggang sa naengganyo na rin siya na magpadala ng mga hubad niyang larawan.

Nang malaman ng biktima na hindi pala tunay na babae si Shane, doon na raw siya nakatanggap ng mga pananakot na ikakalat ang kaniyang mga hubad na larawan kung hindi siya papayag na makipagtalik sa suspek na kinalaunan ay nakilalang si Francisco nang maaresto sa entrapment operation sa Barangay Bulilan Sur.

Nang madakip, todo ang paghingi ng tawad ni Francisco sa biktima.

Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Child Pornography Act.

Paalala muli ng mga awtoridad, maging maingat na paggamit ng social media at huwag basta magtitiwala sa mga nakikipagkaibigan.-- FRJ, GMA News