Dalawang inmate sa General Trias, Cavite ang binawian ng buhay noong Huwebes dahil sa sobrang siksikan sa kanilang selda.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras", kinilala ang mga biktima na sina Manny Libres at Christian Orbita na nakulong dahil sa ilegal na droga.

Sina Libres at Orbita ay nakakulong sa isang selda na may lamang 160 inmate kahit na 70 inmate lang ang kapasidad ng selda.

"Sa dami ng detainees natin, puwedeng na-suffocate, hindi na kinaya. Pagdating sa ospital, idineklarang DOA (dead on arrival) ng attending physician," ani P/Supt. Paul Bometivo, hepe ng PNP General Trias.

Ayon sa mga pulis, hindi na iimbestigahan ang insidente dahil walang nakikitang foul play sa kaso ng dalawang inmate na namayapa.

Naipaalam na rin sa mga pamilya ng mga namatay ang kanilang sinapit.

Pinuntahan ng GMA News ang naturang kulungan at bumungad ang kalunos lunos ang mga eksena. Pawisan ang mga inmate, at mayroon ring mga preso na okupado ang palikuran dahil hindi na sapat ang espasyo. Nagbababad rin ang mga inmate sa tubig at nagkakahawaan ng sakit sa balat at tubercolosis.

Maga na rin ang mga binti at paa ng karamihan sa mga inmate dahil sa sobrang sikip ng kanilang selda. Dahil sa ganitong sitwasyon, pinalalabas malapit sa lutuan ang mga inmate ng pa-sampu-sampu para kahit papaano'y maiunat ang kanilang binti.

"Sana magkaroon kami ng ventilation. Pangalawa, [sana] nagkaroon ng medical mission dito. Last week [kasi], na-x ray kami lahat, meron findings na may kasama kaming may spotting sa baga,” daing ng isang inmate.

"Sana po ang RTC (Regional Trial Court) dito sa amin, matulungan kami na mababaan ng commitment [order], para 'yung mga kasama naming may sakit, mailipat na ang BJMP," dagdag pa ng isa.

Hinahayaan ring maligo ang mga inmate sa labas ng kulungan at nananatili sila roon ng anim na oras para guminhawa ang kanilang pakiramdam. —Llanesca T. Panti/NB, GMA News