Nakunan ng video ang isang guro na nanggagalaiti sa galit sa harap ng ilang ng Boy Scout na kaniyang pinagmumura at sinaktan sa Isabela. Ang mga magulang ng mga bata, desidido raw na ireklamo ang guro.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang naturang video na nag-viral na rin sa social media.

Sa video, madidinig ang masasakit na pananalita ng guro sa mga mag-aaral na mula Reina Mercedes, Isabela. Ilang bata rin ang kaniyang sinaktan.

Hindi umano malinaw kung ano ang dahilan ng matinding galit ng guro na sinasabing buntis.

Ang Department of Education, iimbestigahan ang insidente at sinabing hindi tamang paraan ng pagdidisiplina sa mga bata ang ginawa ng guro.

"Ito po ay clearly hindi ina-allow ng DepEd. Ito po ay in violation of our policy. Corporal punishment is not allowed and positive po dapat ang approach," ayon kay Annalyn Sevilla, tagapagsalita ng DepEd.

Maliban sa guro, iniimbestigahan din umano ng DepEd ang pamunuan ng paaralan dahil napag-alaman na buntis ang guro.

"Five months pregnant si teacher so bakit siya pa ang sumama sa mga boy scout na camp out," saad ni Sevilla.

Kapag napatunayang nagkasala, maaaring suspendehin o ilipat ng assignment ang guro.

Desidido naman daw ang mga magulang ng mga bata na ireklamo ang guro.

Tumanggi naman umano ang guro at pamunuan ng paaralan na magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA News