Napatay ang isa sa dalawang suspek sa pamamaril sa mag-asawang Koreano nang mabaril ito ng mga rumerespondeng pulis sa Silang, Cavite noong Biyernes ng gabi.

Ayon sa ulat sa News TV Live, nakasalubong ng mga pulis ang patakas na mga armadong suspek at doon na nagkabarilan.

Bumulagta ang isa sa mga suspek at nakatakas ang isa matapos sumuot sa masukal na bahagi ng lugar ng engkuwentro. 

Samantala, ligtas na ang mag-asawang Koreans na sina Kim Hyun Sik at JV Eun Suk, at nagpapagaling nalamang sa ospital. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumilitaw na inabangan ng dalawang suspek ang sasakyan na Foton Truck ng mag-asawa, na noo'y papauwi na sa kanilang bahay .

Pinagbabaril ng mga suspek ang sasakyan ng mag-asawa. Tinamaan sa sikmura si Kim at isang tama naman na bala at tumama sa hita ni JV.

Tumakas ang mga suspek na naglakad palayo sa crime scene.

Agad na rumesponde agad ang mga pulis ng isang Police Community Precinct  ilang metro lamang ang layo mula sa insidente, matapos makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Inaalam pa ang posibleng motibo sa krimen lalo't nagmamay-ari ng dalawang malaking spa at restaurant ang mag-asawang biktima.

Narekober naman ang isang caliber .38 revolver mula sa napaslang na suspek. —Joviland Rita/LBG, GMA News