Patay ang dalawang criminals, kabilang na ang No. 2 most wanted, sa lalawigan ng Laguna sa isang buy-bust operation sa bayan ng Calamba nang manlaban umano ang mga ito mga pulis.

Sa ulat ni John Consulta sa "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing nangyari ang engkuwentro sa Barangay Lingga at kinilala ang mga napatay na sina Arturo Plaza at isang alyas Alan.

Ayon sa mga pulis-Calamba, si Plaza ay No. 2 most wanted sa lalawigan, na miyembro ng Dela Cruz-Sanggalang kidnap-for-ransom group at pinaghahanap dahil sa ilang kaso ng pagpatay.

Samantala, si alyas Alan ay notorious pusher umano na minamanmanan ng mga pulis.

Nahuli na man sa isang operasyon ang limang kabataan sa bayan ng Sta. Rosa sa Laguna na nasokote sa isang drug den sa Barangay Caingin.

Nahulihan ang mga suspek ng high-grade marijuana o kush, na umano'y binebenta ng mga sa kapwa nila mga estudyante sa kolehiyo sa naturang bayan.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pinagmulan ng kush na ibenebenta ng mga suspek. —LBG, GMA News