Ginahasa at pinatay ng sarili niyang kaanak ang isang 86-anyos na lola sa Brgy. Tacunan, Davao City.

Duguan at wala nang buhay ang biktima nang datnan ng mga rumespondeng pulis sa kanyang bahay noong Huwebes, matapos makatanggap ng report.

Dinampot din ng mga rumespondeng awtoridad ang suspek na si Raymond Montes na naabutan pang nakahubad at umiinom ng alak sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa imbestigasyon, nag-iisa lang ang biktima sa bahay bago nangyari ang kalunos-lunos na krimen.

Itinanggi ni Montes ang akusasyon na hinalay at pinatay niya ang nakatatandang kamag-anak.

Nagdesisyon naman ang pamilya na huwag nang sampahan ng kaso ang suspek pero magsasampa pa rin daw ng kaso ang pulisya laban kay Montes. —NB, GMA News