Dalawa ang arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra-droga ng mga pulis sa lalawigan ng Cavite. Ang isa sa mga naaresto, isang babae na isinumbong ng mga lalaki na inalok umano niya ng panandaliang-aliw at droga.


Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Tv "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing naaresto ng mga awtoridad sa kaniyang bahay sa Indang, Cavite ang suspek na si Angelito Villa Dela Cruz.

Nakita sa bahay ni Dela Cruz ang mga drug paraphernalia at ilang pakete ng hinihinalang shabu.

Dati na raw sumuko ang suspek sa Oplan Tokhang pero nagpatuloy pa rin sa ilegal na gawain.

Hindi na itinanggi ng suspek na paratang laban sa kaniya at tila tanggap na ang kaniyang pagkakahuli para umano makapagbagong-buhay.

Sa isa pang operasyon sa Cavite, naaresto naman si Ailene Lusanta, na nahulihan ng apat na pakete ng hinihinalang shabu.

Kuwento ng lalaking nagsumbong sa pulisya tungkol sa ginagawa ni Lusanta, nag-iinuman umano sila ng kaniyang kaibigan sa isang videoke bar nang lapitan sila ng suspek at nag-alok ng panandaliang aliw at droga.

Tinanggihan ng dalawa ang alok ng suspek at agad silang nagsumbong sa mga pulis na nagkasa naman ng operasyon laban kay Lusanta.

Hindi na rin itinanggi ng suspek ang mga alegasyon laban sa kaniya nang madakip siya ng mga pulis.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News