Patay ang dalawang tulak umano ng shabu matapos manlaban daw ang mga ito sa buy-bust operation sa Meycauayan City, Bulacan.

Sa ulat ni James Agustin para Unang Balita ng GMA News nitong Martes, dead on the spot ang dalawang lalaki na kinilala lang sa kanilang mga alyas na Richard at Niño.

Parokyano raw ng mga suspek ang ilang drag racer sa lugar na matagal nang inirereklamo ng mga residente.

“Itong lugar na ito, drag race, kung mapapansin niyo ang haba-haba. Pagdating ng gabi, ala-una, doon sila humahataw,” sabi ni Superintendent Santos Mera Jr., hepe ng Meycauayan Police.

“So maraming reklamo mga tao rito hindi sila makatulog,” dagdag niya.

Nabilhan ang target ng sampung-libong pisong halaga ng shabu, pero bumunot daw ng baril ang dalawa nang makatunog na buy-bust ang pinasok na transaksiyon, ayon sa pulis.

Nanggagaling daw ang shabu sa Valenzuela at Caloocan.

Nauna nang sumuko sa Oplan Tokhang bilang mga drug user ang mga napatay na suspek, na parehong nasa drug watch list ng pulisya.

Nakuha ng SOCO sa kanila ang dalawang baril at ilang sachet ng hinihinalang shabu. — Joviland Rita/RSJ, GMA News