Isang construction worker ang malubhang nasugatan matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kainuman nang dahil sa hindi raw pag-aambag sa kanilang babayaran sa isang videoke bar sa Sarrat, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA news TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Eric Lopez. Naaresto naman sa follow-up operation ang suspek na si Mark Elloringco.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nag-iinuman sa videoker bar ang biktima at ang suspek kasama ang iba pa nilang mga katrabaho.

Pero bigla raw mag-away ang dalawa nang magtalo tungkol sa ambagan sa kanilang nainom hanggang sa nauwi sa pananaksak.

Kaagad na tumakas si Elloringco matapos ang krimen pero nahuli rin siya ng mga pulis sa follow-up operation.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide si Elloringco.-- FRJ, GMA News