Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ina na pinagpapalo hanggang sa mamatay ng kaniyang sariling anak at saka siya sinilaban sa Sipalay City, Negros Occidental.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA news "Saksi" nitong Lunes, sinabing pinagpapalo, kinaladkad papunta sa palikuran, at saka sinilaban ng 42-anyos na suspek ang kaniyang ina na 63 na taong gulang.

Nakatakbo at nakahingi umano ng tulong ang mga apo ng biktima kaya nadakip kaagad ang suspek na umamin sa nagawa niyang krimen.

Tatlong araw na umanong balisa, hindi makakain, at hindi makatulog ang suspek bago mangyari ang krimen.

Mahaharap siya sa kasong parricide.

Sa Leganes, Iloilo naman, pinagsasaksak ng isang ama ang kaniyang mag-ina dahil umano sa selos.

Nagtamo ng mga sugat sa bewang at siko ang mga biktima.

Hinala ng suspek, may relasyon ang kaniyang asawa at 15-anyos na anak, bagay na itinanggi naman ng biktima.

Nahaharap sa reklamong frustrated parricide at child abuse ang suspek na dati na ring nakulong dahil sa paglalasing at pagwawala sa kanilang barangay.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News