Tinaga umano ng sariling kasambahay ang isang ginang sa Barangay Coronon, Sta. Cruz sa Davao del Sur.

Ayon sa ulat sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, wala nang buhay ang biktimang si Mati Tancontian nang matagpuan sa kanyang bahay.

Ang kasambahay nitong si Edemero Pudpud ang huling kasama ng biktima, ayon sa isang boarder.

Sinabihan pa raw siya ni Pudpud na inatake sa puso ang kanyang amo at huwag na siyang makialam.

Wala na ang kasambahay nang madiskubreng patay ang biktima.

Sa imbestigasyon, lumalabas na pinagplanuhan ang krimen dahil may nakitang gloves malapit sa pinangyarihan ng insidente at pinaniniwalaang ginamit ito ng suspek.

Tinanggalan din umano ng hard drive ang mga CCTV na nakapalibot sa lugar, dahilan para hindi na ito gumana.

Tinutugis pa rin ng mga otoridad ang suspek.

Kalahating milyong pisong pabuya raw ang ibibigay ng isang konsehal sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng taong pumatay sa biktimang ina ng isang legal officer at administrator sa bayan. —Dona Magsino/NB, GMA News