Patay ang bise alkalde ng Balaoan, La Union at isa niyang tauhan matapos silang tambangan nitong Miyerkules. Ang anak niyang alkalde,  nakaligtas.

Kinilala ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde, ang mga nasawi na sina Vice Mayor Alfred Concepcion, at tauhan nito na si Michael Ulep.

Nasugatan naman ang anak niyang si Balaoan Mayor Aleli Concepcion pero nakaligtas.

Ayon sa pulisya, sakay ng dalawang sasakyan ang mga biktma nang tambangan ng mga salarin sa Banlaon-Luna road sa Barangay Antonino dakong 8:22 a.m.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang bise alkalde at kaniyang tauhan dahil sa mga tinamong tama ng bala.

Sinabi ni Albayalde na nagsasagawa na ng operasyon ang pulisya para madakip ang mga salarin.

"I have directed the Regional Director of PRO-1, Chief Superintendent Romulo Sapitula to extend all possible assistance to the Concepcion family even as I assure them of the availability of PNP resources personnel for a speedy and thorough investigation of this incident," saad ni Albayalde.

Hindi pa malinaw ang motibo sa pananambang sa mga lokal na opisyal.

"Ang sinabi lang sa akin is the two-car convoy of the victims ay naharang ng isang Rav4 at pinutukan ito at resulta is the death of the vice mayor and his aide, Michael Ulep," sabi ng opisyal.

Gayunman, sinabi ni Albayalde na hindi nila inaalis ang politika sa posibleng motibo ng mga salarin.

"...We are looking into the possibilities of also political motivation dito dahil sa mukhang mainit yung laban doon sa probinsya sa La Union," saad niya.

Nangyari ang pananambang isang buwan matapos din ma-ambush at mapatay si Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing.

Samantala, kinondena naman ng Malacañang ang pananambang sa mga lokal na opisyal ng Balaoan.

"The Palace strongly denounces the recent ambush against [Balaoan, La Union Mayor Aleli Concepcion and her father, Vice Mayor Alfred Concepcion]," ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo.

"We [will] pursue and prosecute the persons behind these brazen murders and bring them to justice," dagdag niya. — FRJ, GMA News