Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na tumangay sa isang batang tatlong-taong-gulang na kaniyang hinalay sa Nueva Ecija. Ang suspek, kainuman ng ama ng bata.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, nakita pa sa kuha ng CCTV ang suspek na si Ariel Viquierra habang bitbit ang biktima para dalhin sa kaniyang bahay.

Ayon sa ina ng bata, lasing noon ang kaniyang asawa matapos makipag-inuman sa suspek. Batid umano niyang kinuha ni Viquierra ang kaniyang anak pero hindi niya inakala na may gagawin itong kahalayan.

Nang sunduin umano ng ina ang kaniyang anak, nakita niyang may dugo ang pang-ibaba nitong kasuotan na inakala niyang kagat ng aso.

Pero nang dalhin niya sa ospital ang anak,  doon na niya nalaman na inabuso ang biktima.

Kaagad umanong dumulog sa mga awtoridad ang ina pero hindi na nila naabutan sa bahay ang suspek na nakitang tumakas sakay ng tricycle.

Tinutugis na ng pulisya si Viquierra at inaalam din kung lulong siya sa iligal na droga.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News