Patay ang isang ginang na pitong-buwang buntis matapos pagbabarilin sa kaniyang bahay sa Jacinto, Pangasinan. Ang sanggol sa kaniyang sinapupunan, hindi rin nakaligtas.

Ayon sa ulat ni Ivy Hernando ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong  Miyerkules, sinabing pinapakain ng 39-anyos na biktimang si Mary Ann Aoanan ang dalawa pang anak sa kanilang bahay sa Bagong Pag-asa nang lapitan sila ng salarin at pagbabarilin ang ginang.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktima na nagtamo ng hindi bababa sa limang tama ng bala sa dibdib.

Wala namang nasaktan sa mga anak ng biktima.

"Noong binaril siya, tapos biglang itinulak 'yung anak ko para hindi siya madamay. 'Yun na nangyari, tapos nagkasunud-sunod na yung putok," sabi ni Reynaldo Torio, kinakasama ng biktima.

Walang CCTV sa lugar at wala rin daw nakakita sa mukha ng salarin.

Hinala ni Torio, kilala ng kaniyang kinakasama ang salarin.

Isang tinitingnang anggulo sa krimen ang pagkakaroon ng mga utang ng biktima.

“However, hindi pa rin tayo nag-i-stick dun, we are still conducting in depth investigation kasi gusto naming kalkalin 'yung history noong victim kasi kailangan natin tignan bakit ganun na lang yung galit noong gumawa ng krimen doon sa victim," sabi ni Police Senior Inspector Mark Ryan Taminaya, Officer-in-Charge ng San Jacinto Police Station.

Posibleng may kasama pa raw ang salarin na nagsilbing look-out, sabi ng pulis.

May person of interest na umano ang mga awtoridad.--Joviland Rita/FRJ, GMA News