Patay ang isa umanong big-time drug pusher sa police operation sa bayan ng Pulilan sa Bulacan.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes ng umaga, kinilala ang suspek sa kaniyang alyas na Jerson, na nanlaban umano sa mga pulis sa akto na arestuhin ito sa isang buy-bust operation na ikinasa sa Barangay Tabon, Pulilan.

Matapos umanong mabilhan ng shabu ang suspek, ay nakatunog na pulis ang kaniyang katransaksyon at saka bumunot ng baril.

"Nag-resist po siya noong huhulihin na. Nakita po niya ang back-up na parating kaya bigla siyang bumunot ng baril at nakipagputukan po sa operatiba natin," pahayag ni Chief Inspector Joy Placido, ang deputy chief of police ng Pulilan.

Napuruhan si Jerson nang gumanti ang mga pulis. Dead on the spot ang suspek.

Itinuring umanong big-time drug lord sa probinsya si Jerson dahil sa lawak ng kanyang operasyon.

Actually po halos buong bulacan sinusupplayan niya e, dagdag ni Placido.

Nakuha mula sa suspek ang 10 sachet ng pinaghihinalaang shabu at isang kalibre 38.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa buong pagkakakilanlan ng suspek. —LBG, GMA News