Naaresto na ang suspek sa paghalay sa isang batang tatlong-taong-gulang na anak  ng kaniyang kainuman sa Nueva Ecija.  Gayunman, hindi na siya makadadalo sa pagdinig ng korte matapos siyang mapatay ng mga pulis sa loob ng presinto dahil nang-agaw umano ng baril.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing Huwebes ng gabi nang nadakip si Ariel Vicquierra, na nakunan sa CCTV camera na bitbit ang batang biktima patungo sa kaniyang bahay noong Miyerkules.

READ: 3-anyos na bata, tinangay at ginahasa ng kainuman ng kaniyang ama

Ang bata ay anak ng kaniyang kainuman nang mangyari ang sinasabing krimen.

Lasing na umano ang ama ng bata nang kunin ng suspek ang biktima at dinala sa kaniyang bahay.

Nalaman naman ng ina ng bata na inabuso ang kaniyang anak nang makita may dugo sa pang-ibaba nitong kasuotan.

Nang magsumbong ang ina sa mga awtoridad, nakatakas na ang suspek hanggang sa madakip siya nitong Huwebes ng gabi.

Nitong Biyernes nang umaga, isinailalim pa si Vicquierra sa inquest proceedings.

Sa panayam, sinabi nito na hindi niya alam ang kaniyang ginawa dala na umano marahil ng kalasingan.

Dakong 4:40 p.m. nitong Biyernes, nang-agaw umano ng baril ng pulis ang suspek habang kinukuhanan ng finger print sa presinto.

Nagawa raw ng suspek na maiputok ang baril na tumama sa bullet proof vest ng pulis.

Doon na umano gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan si Vicquierra.

Isinugod pa sa ospital ang suspek pero binawian din ng buhay. -- FRJ, GMA News