Pinugutan ng kaniyang nakaalitang kainuman ang isang lalaki habang natutulog ito sa kaniyang bahay sa Davao City.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, duguan at wala nang ulo ang biktimang si Ernesto Dalay nang makita ng kaniyang asawa sa kanilang bahay.

Ayon sa mga awtoridad, kainuman ng biktima ang suspek na si Renante Andig kasama ang isa pang lalaki bago mangyari ang krimen.

Nagkasagutan umano sina Dalay at Andig. Nang makatulog si Dalay, doon na siya tinaga ng suspek.

Aminado naman sa nagawang krimen ang nakakulong nang si Andig.

Hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakapatay ang suspek. —Dona Magsino/LBG, GMA News