Patay ang isang aso sa Orion, Bataan matapos itong saksakin ng isang matandang lalaki.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV' "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, makikita sa CCTV ang dalawang asong nasa isang sulok.

Maya-maya, nag-away na ang dalawang aso.

Isang lalaking may itak ang biglang sumulpot at saka sinaksak ang kulay puting aso.

Bumalik pa siya at muling sinaksak ang hayop na nakaalitan pala ng kaniyang alagang aso.

Duguang humandusay sa gilid ng kalsada ang asong si Arf-arf na pagmamay-ari ni Kelvin Catalan, kapitbahay ng suspek.

Ayon kay Catalan, nakalabas ang kaniyang aso nang maiwan ng kanyang lola na bukas ang kanilang gate.

Inaway raw ito ng isa pang aso at doon na nangyari ang pananaksak.

Paliwanag naman ng lolong pumatay sa aso, self-defense ang kanyang ginawa.

"Hinabol kami eh. May dala po akong itak, sinaksak ko pong ganoon," ayon kay Rogelio Navarro.

Desidido ang may-ari na sampahan ng kaso si Navarro dahil sa paglabag sa Animal Welfare Act.

"Ako'y nagkamali, patawarin ninyo na kamo ang lolo niyo. Wala kamo akong maipa-piyansa, wala po akong hanapbuhay," dagdag pa ni Navarro. —Dona Magsino/LBG, GMA News