Nasa 10 suspek ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyong kontra-droga sa Cavite, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa General Trias, sinubukan pang tumakas ng suspek na si James Caminade pero nahuli rin siya nang mahulog siya sa kanal.

Samantala, pabalik-balik na raw sa kulungan ang binansagang "balikbayan" na si Jordan Sapida dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga. Ayon sa kanya, tatlong beses na siyang nahuhuli.

Bukod sa dalawa, may anim pang naaresto sa operasyon, ayon sa ulat.

Nakumpiska sa kanila ang ilang pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at drug money.

Samantala sa Naic, nadakip sina Karim Maglalang alyas Kenneth at Brendon Bensito sa buy-bust operation.

Inamin ni Maglalang na siya ay drug runner, habang si Bensito naman ay nauna na raw na sumuko sa Oplan Tokhang. Sabi ni Bensito, hindi na niya natapos ang mga seminar sa programa.

Ayon sa mga suspek, sa Las Piñas daw nanggaling ang kanilang mga droga.

Narekober mula sa mga suspek ang pouch na naglalaman ng ilang pakete ng hinihinalang shabu at P200 na marked money. —Joviland Rita/KBK, GMA News