Apat na araw matapos magdiwang ng kaniyang kaarawan, nasawi ang isang rider matapos siyang barilin sa sentido ang isang motoristang nakasagutan niya sa kalsada sa Marilao, Bulacan.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Melchor Borja, na nagdiwang lang ng kaniyang ika-36 na kaarawan noong Nobyembre 11.

Apat na araw makaraan ng kaniyang kaarawan, nangyari ang trahediya sa McArthur Highway sa Barangay Abangan, Marilao nang makasagian nila ng kaniyang kapatid ang salarin na nakasakay sa kotse.

Kuwento ng nakababatang kapatid ng biktima na si Mario, sakay sila ni Melchor nang motosiklo nang salpukin sila sa likuran ng suspek.

 “Yung pagbaba ng driver, sa halip na tingnan niya 'yung pagkabangga kung ano ang damage, ang banat niya agad sa kuya ko, "Kasalanan mo kaya kita nabangga,” kuwento ni Mario.

Nagkaroon umano ng argumento ang dalawa at nagsalita raw ang suspek na dapat kilalanin muna sila bago sila makipagtalo.

Sabi ni Mario, nang tanungin daw ng kaniyang kuya kung sino ang suspek, bigla raw bumunot ng baril ang kanilang kaalitan at binaril na sa sentido ni Melchor.

"Halos ito lang oh. 'Yan lang 'yung layo ng baril niya. Sobrang lapit. Pagkuha, tutok agad. Pinaputukan kaagad," ayon kay Mario, na nagsabing siya man ay binaril habang tumatakbo sila palayo para makaligtas.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, nakuha ang plate number ng sasakyan ng mga suspek. Pero nang beripikahin sa Land Trasportation Office, iba na raw ang nagmamay-ari ng naturang sasakyan matapos itong maibenta sa isang insurance company.

Panawagan si Mario at ang kaniyang pamilya na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.

Patuloy naman ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa krimen para matukoy ang salarin at kasama nito sa sasakyan. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News