Nag-viral ang video ng isang motorista matapos na hatakin umano ng mga traffic enforcer ang isang truck na may driver sa loob at kahit natiketan na sa Biñan, Laguna. Ang driver, napilitan daw tumigil sa tabi ng daan at umidlip dahil sumakit ang ulo.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "QRT" nitong Lunes,  sinabing natiketan ang driver ng truck dahil sa illegal parking at obstruction of traffic.

Sa video, madidinig ang sagutan ng driver at mga enforcer tungkol sa ginagawang paghatak sa sasakyan.

Iginiit ng enforcer na sinusunod lang nila ang ordinansa sa kanilang lungsod na nagsasaad na kailangan hatakin ang lahat ng sasakyan na "standing parking" na bukas ang makina, naka-hazard light at ilegal na nakaparada.

“During po ng apprehension namin, pagdating po namin doon sa area niya ay natutulog po siya doon sa loob ng sasakyan,” sabi ni Fernando Reyes na pinuno ng Towing Operations ng Biñan.

Paliwanag naman ng driver, nag-park lang siya dahil nakaramdam siya ng sakit ng ulo at inantok.

"Sabi ko, 'sir, walang problema. Sige po, tiketan n'yo po ako.' Tapos nagulat na lang ako, pagpirma sa akin ng ticket, iyong ticket ng Biñan, may nakalagay na towing," anang driver, na nagsabing wala ring nakalagay na babala sa lugar na "towing zone" ang lugar.

Sa huli, na-tow pa rin ang truck at natubos ng driver ang trauck matapos bayaran ang mga multa.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News