Natagpuang patay ang isang babaeng ikakasal na sana sa susunod na buwan sa La Carlota, Negros Occidental, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

Natagpuan ang katawan ni Merlyn Villamar sa isang kanal na walang damit pang-ibaba.

Nakita rin sa crime scene ang bato na may dugo na pinaniniwalaang ipinukpok sa biktima.

Huling nakita si Merlyn noong Sabado ng gabi, matapos makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan at kapatid, ayon sa mga pulis.

Nagpaalam daw ito na mauuna nang umuwi, pero hindi na nakauwi sa kanilang bahay

Posible raw na ginahasa ang biktima at ninakawan din dahil nawawala ang kaniyang motorsiklo at cellphone. —Joviland Rita/KBK, GMA News