Maga ang mukha at nagtamo ng sugat sa batok ang isang ginang sa Cotabato City matapos siyang bugbugin at tagain ng kaniyang mister nang dahil umano sa ulam.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na lasing ang suspek nang magkasagutan sila ng kaniyang misis nang dahil sa ulam na nauwi sa pambubugbog.

Hindi pa nakontento ang suspek at tinaga pa nito sa batok ang kaniyang asawa.

Sa tulong ng kanilang mga kapitbahay, nai-report sa mga awtoridad ang insidente na mabilis na rumesponde kaya nasagip ang biktima at nahuli ang suspek.

Pero sa huli, pinalaya rin ang mister matapos silang magkasundo ng kaniyang misis na maghihiwalay na lang para maiwasan ang sakitan. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News