Patay ang dalawang kidnapper sa engkuwentro laban sa mga pulis sa isang entrapment operation sa Batangas madaling-araw nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Super Radyo dzBB, sinabing nagkasa ang entrapment operation ang mga pulis-Batangas sa pagbibigay ng ransom upang mapalaya ang biktima.

Nangyari ang entrapment operation dakong 2:40 ng madaling-araw at sa aktong mag-abutan ng pera, nakatunog ang mga suspek na pulis ang katransaksiyon nila at tumakas ang mga ito sakay ng isang motorsiklo.

Nagkahabulan hanggang sa makarating sa bayan ng Talisay at doon na nagkaputukan ang mga pulis at mga kidnapper.

Patay ang mga suspek at nakuha mula sa kanila ang dalawang kalibre .45 na baril.

Hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad kung saan itinago ang kidnap victim. —LBG, GMA News